Photo @ web

Kinumpirma ng Philippine Army ang pagkamatay ng dalawang trainees habang sumasailalim sa military training sa Capas, Tarlac.

Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, nangyari ang insidente sa ilalim ng Training Command ng Philippine Army sa Capas.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Philippine Army sa pamilya ng dalawang nasawing trainees at tiniyak na magbibigay sila ng buong suporta at ayuda sa mga ito.

Sa hiwalay na pahayag ng Army Training Command o TRACOM, kabilang ang dalawang nasawi sa School for Candidate Soldier Class 806-2026 ng Initial Military Training Group.

Advertisement

Sinabi ng TRACOM na nagsasagawa na ng masusing at patas na imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente.

Iginiit din ng Philippine Army na mahigpit nilang ipinagbabawal ang anumang uri ng pananakit, pagmamaltrato, o pang-aabuso sa panahon ng military instruction at training activities.

Ayon pa kay Dema-ala, hindi muna sila magbibigay ng haka-haka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at hinikayat ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.

Tiniyak din ng Army na rerepasuhin nila ang kanilang safety protocols at magpapatupad ng mas mahigpit na hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga trainees.

Advertisement