NAGA CITY- Bago pa man mamatay sa COVID-19 si Bicol#216, napag-alaman na nakahawa pa ito ng dalawang persona sa Baao, Camarines Sur.
Kinilala ang mga pasyente na sina Bicol#230 at Bicol#231 mula sa naturang bayan.
Sa inilabas na impormasyon ng lokal na pamahalaan ng Baao, nabatid na isang 18-anyos na babae si Bicol#230 habang isa namang 62-anyos na lalaki si Bicol#231.
Kung maaalala, si Bicol#216 ay isang 60-anyos na babae mula sa Zone 6, San Isidro, Baao Camarines sur, kung saan unang nagpositibo sa naturang sakit noong Hulyo 11 at binawian ng buhay sa Bicol Medical Center (BMC).
Sa ngayon, nananatili na sa quarantine facility ang naturang mga pasyente.
Sa kasalukuyan, mayroon ng kabuuang bilang na 231 confirmed cases sa buong Bicol Region.