NAGA CITY-Timbog ang dalawang kalalakihan sa isinagawang buy-bust operation sa Lucena City, Quezon. Kinilala ang mga suspek na sina alyas Bok, 31-anyos, at si alyas Jan, 18-anyos, parehong residente ng Brgy Barra, Lucena City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na inaresto ang mga suspek pagkatapos na makabili sa kanila ang poseur-buyer ng mga awtoridad ng isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Nang kinapkapan ang mga suspek, nakuha sa kanila ang buy-bust money at tatlo pang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang ilegal na droga.

May kabuuang bigat aniya ang nakumpiskang pinaniniwalaang ilegal na droga na 35 grams at nagkakahalaga ng ₱714,000.

Sa ngayon, dinala na ang mga suspek sa Lucena City Police Station para sa karampatang disposisyon.