Nasawi ang dalawang pasahero habang 35 iba pa ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Pagbilao, Quezon nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, bumibiyahe patungong Maynila mula Bicol ang bus nang mawalan umano ng kontrol ang driver habang binabagtas ang palusong na bahagi ng New Diversion Road sa Sitio Upper Sapinit, Barangay Silangang Malicboy bandang alas-8 ng gabi.

Sa imbestigasyon, posibleng nagkaroon ng problema sa preno ang sasakyan habang pababa sa kurbadang kalsada. Dahil dito, tuluyang nahulog ang bus sa bangin.

Dead on arrival sa ospital ang dalawang pasahero. Samantala, 35 iba pa ang nasugatan, kabilang ang ilang menor de edad na nagtamo ng bahagyang pinsala at tumangging maospital.

Advertisement

Kabilang din sa mga sugatan ang driver ng bus na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya, rescue teams, at Bureau of Fire Protection para sa retrieval at rescue operations na tumagal hanggang pasada hatinggabi.

Isinugod ang mga biktima sa iba’t ibang ospital sa Lucena City para sa agarang gamutan. Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.

Advertisement