Naihatid na sa huling hantungan ang dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano sa Tuba, Benguet noong nakaraang linggo.
Ayon kay PAF spokesperson Colonel Ma. Christina Basco, nailibing nitong Martes ng umaga, Mayo 26, sa Libingan ng mga Bayani sina First Lieutenant Ruth Angelique Pasos at Second Lieutenant Cherky Enlawan Embudo.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Philippine Air Force sa mga pamilya at kaanak ng dalawang nasawing piloto.
Matatandaang lulan nina Pasos at Embudo ang isang SF-260 trainer aircraft nang bumagsak ito sa Tuba, Benguet dakong alas-10:30 ng umaga noong Mayo 20.
Bago inihatid sa kanilang huling hantungan, binigyan muna ng arrival honors ang dalawang piloto sa Colonel Jesus Villamor Air Base bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.
Ginawaran din sila ng Silver Wing Medal bilang parangal sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa serbisyo militar.














