Binigyang-diin ni Ernest Asence III, Acting Agriculturist ng Naga City Agriculture Office, ang kahalagahan ng pagpapalakas ng mga programang pangkabuhayan at suporta sa agrikultura upang mapanatili ang sektor ng pagsasaka sa kabila ng pagiging Highly Urbanized City (HUC) ng Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga, sinabi ni Asence na hindi nangangahulugang tuluyan nang mawawala ang sektor ng agrikultura sa Naga City kapag naging Highly Urbanized City (HUC) ito, sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga proyektong pangkomersiyo at residensyal.
Ayon kay Asence, isa sa mga pangunahing hamon na maaaring harapin ng sektor ang land conversion o ang pagbabago ng gamit ng mga lupang agrikultural tungo sa mga proyektong komersiyal at residensiyal.
Gayunman, nilinaw niya na hindi awtomatikong nangangahulugan ang pagiging HUC ng tuluyang pagkawala ng mga sakahan dahil mayroon nang mga umiiral na batas at mekanismo upang kontrolin at regulahin ang land conversion.
Kabilang sa mga protektadong lupain ang mga irrigated at irrigable agricultural areas na mahalaga sa pagpapanatili ng produksyon ng palay at seguridad sa pagkain.
Dagdag pa rito, upang maiwasan ang pagbebenta ng mga magsasaka sa kanilang mga lupain, mayroon ding mga programang naglalayong matiyak ang sapat na kita ng mga ito.
Makakatulong din ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) sa pagtukoy at pagsubaybay sa mga kwalipikadong benepisyaryo, lalo na sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.
Kung mapapalakas ang mga programang magpapataas sa kita ng mga magsasaka at masisiguro ang merkado para sa kanilang mga produktong agrikultural, partikular na ang mga gulay at high-value commodities, mas mapananatili ang kanilang kabuhayan.
Sa kabila ng inaasahang urbanisasyon, iginiit ni Asence na mananatiling mahalagang bahagi ng ekonomiya ng Naga City ang agrikultura dahil dito nagmumula ang mga pangunahing pagkain at hilaw na materyales na kinakailangan ng lokal na industriya.
Hinimok din niya ang mga magsasaka at iba pang sektor na makilahok sa nakatakdang plebisito sa Nobyembre 21 upang maipahayag ang kanilang saloobin hinggil sa panukalang pagiging Highly Urbanized City ng Naga.
Binigyang-diin niya na bahagi ng pag-unlad ng lungsod ang pagiging HUC at hindi ito dapat mangahulugan ng pagsasakripisyo sa sektor ng agrikultura, bagkus ay dapat itong samahan ng mas pinaigting na suporta para sa mga magsasaka sa gitna ng urbanisasyon.














