Kinumpirma ng tanggapan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagtanggap sa notice of complaint na inihain laban sa senador dahil sa matagal nitong hindi pagpasok sa trabaho.

Sa liham na may petsang Nobyembre 19, 2026, na ipinadala kay Senate Committee on Ethics and Privileges Chairperson Sen. Vicente “Tito” Sotto III, sinabi ni Marianne Kristel Dela Rosa-Estoesta, chief of staff ni Dela Rosa, na natanggap nila ang abiso na may petsang Nobyembre 5 kaugnay ng reklamong inihain ng grupong Wag Kang KuCorrupt.

Ayon sa liham, kalakip ng natanggap na abiso ang pangunahing reklamo at mga sinumpaang salaysay nina Susan Villanueva, Jasmine Ong, Cielo Magno, Jaimee Baliton at Christopher Cabahug.

Advertisement

Nauna nang inilathala ng grupong Wag Kang KuCorrupt sa kanilang Facebook page nitong Biyernes ang liham ng Ethics Committee na nagpapabatid kay Dela Rosa tungkol sa reklamong isinampa laban sa kanya. Kinumpirma rin ni Sotto ang dokumentong nilagdaan niya noong Oktubre 22, 2026.

Sa naturang liham, inatasan ng komite ang tanggapan ng senador na magsumite ng nakasulat na tugon, kasama ang anumang impormasyon at dokumentong may kaugnayan sa reklamo.

Binigyan si Dela Rosa ng 15 araw mula sa pagtanggap ng reklamo upang isumite ang kanyang written explanation at iba pang kaugnay na impormasyon sa Ethics Committee.

Advertisement