Pinalaya mula sa kulungan noong Lunes ang dating Prime Minister ng Thailand na si Thaksin Shinawatra matapos ang humigit-kumulang walong buwang pagkakakulong bunsod ng desisyon ng korte na hindi makatarungan umano ang kanyang pananatili sa ospital upang iwasan ang kulungan.

Lumabas si Thaksin sa Klong Prem Central Prison bandang 7:40 a.m. lokal na oras (0040 GMT), suot ang simpleng puting damit at maikling gupit. Agad siyang sinalubong ng kanyang pamilya, kabilang ang anak na si Paetongtarn Shinawatra.

Dumagsa rin ang daan-daang tagasuporta sa labas ng bilangguan sa Bangkok mula pa noong madaling araw, na sumigaw ng “we love Thaksin” habang hinihintay ang kanyang paglaya.

Si Thaksin, na matagal na naging makapangyarihang pigura sa pulitika ng Thailand, ay bumalik sa bansa noong 2023 matapos ang 15 taon sa self-exile upang harapin ang kaso ng conflict of interest at abuse of power noong kanyang panunungkulan bilang prime minister mula 2001 hanggang 2006.

Advertisement

Bagama’t orihinal na walong taong sentensiya ang ipinataw sa kanya, ito ay pinababa sa isang taon sa pamamagitan ng royal pardon. Gayunman, ilang oras lamang siya sa kulungan bago inilipat sa ospital dahil sa umano’y problema sa puso at chest pains, at kalauna’y nanatili sa VIP hospital wing ng anim na buwan bago pinalaya sa parole.

Noong nakaraang taon, pinagtibay ng korte suprema na kailangang ipagpatuloy ni Thaksin ang kanyang sentensiya, matapos mapag-alamang sinadyang pinahaba umano ang kanyang pananatili sa ospital sa pamamagitan ng hindi kinakailangang operasyon.

Sa ilalim ng kanyang parole, kinakailangang magsuot ng electronic ankle monitor si Thaksin habang natitira ang kanyang sentensiya.

Ayon sa mga tagasuporta, kabilang si Rommanee Nakano, 76-anyos mula Chiang Rai, hindi umano dapat naparusahan si Thaksin dahil marami siyang nagawa para sa mga mamamayan.

Advertisement