Posibleng nakompromiso ang sensitibong impormasyon ng mga sundalong naka-deploy sa BRP Sierra Madre matapos matuklasan ng Armed Forces of the Philippines ang umano’y espionage operations na may kaugnayan sa People’s Republic of China.

Ayon kay Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, target ng mga foreign-linked recruiter ang operational data na may kinalaman sa mga aktibidad ng militar sa nasabing karagatan.

Kabilang sa hinihinging impormasyon ang pagkakakilanlan ng mga sundalong naka-deploy sa BRP Sierra Madre na nakapwesto sa Ayungin Shoal, pati na rin ang mga plano ng Philippine Navy para sa modernization at strategic basing.

Sinabi ni Trinidad na ang ganitong uri ng impormasyon ay napakasensitibo at maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng mga sundalo, lalo na ang mga sangkot sa rotation at resupply missions sa West Philippine Sea.

Advertisement

Tatlong Pilipino na umano’y sangkot sa espionage activities ang naaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng AFP matapos umamin at makipagtulungan sa imbestigasyon.

Ayon sa militar, ang mga nasabing indibidwal ay nasa edad mid-20s hanggang late-20s at unang nakontak ng mga recruiter sa pamamagitan ng online job applications kung saan inalok silang magsumite ng mga artikulo bilang umano’y analyst o researcher.

Dagdag pa ni Trinidad, may kapalit na bayad ang pagbibigay ng impormasyon na umaabot umano sa apat hanggang anim na digit.

Natuklasan ang espionage network sa pamamagitan ng Insider Threat Program ng AFP na layong protektahan ang sensitibong impormasyon at operasyon ng militar laban sa foreign espionage at iba pang banta sa pambansang seguridad.

Advertisement