NAGA CITY – Naniniwala ang isa sa mga topnotchers ng Philippine Military Academy (PMA) BAGSIK DIWA class of 2022 graduates na ang mga pagsubok sa buhay ang makakapaghulma sa pagkatao ng isang tao para maabot ang mga pangarap sa buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kevin John Pastrana, Top 2 ng PMA Class of 2022, inamin nito na hindi naging madali ang pinagdaanan nito sa loob ng akademya kung saan naisipan din nitong bumitaw sa unang na taon nito sa PMA.

Ngunit dahil nangibabaw ang dedikasyon nito at ang pagbibigay sa kaniya ng inspirasyon sa loob ng training, naka-survive ito hanggang makaabot sa graduation.

Pagbabahagi pa ni Pastrana, noong bata pa ito ay accountant ang gusto nitong pag-aralan ngunit nabago umano ito ng pumunta ito sa kampo ng tiyuhin na dati ring miembro ng Phil Army.

Dito rin umano nito nakita ang nakakakaproud na ginagawa ng mga kasundaluhan dahilan para ma-inspire ito na pumasok din sa PMA.

Samantala, hindi naman inaasahan ni Pastrana na maging top 2 sa class nila dahil aminado ito na marami ang magagaling na kadete sa naturang akademya.

Sa katunayan aniya, nang malaman nito na isa siya sa mga topnotchers, hindi agad nito ipinaalam sa kaniyang pamilya ang magandang balita dahil gusto nitong isurpresa ang mga ito sa mismong araw ng graduation.

Sa kabila nito, nag-iwan na lamang si Pastrana ng mga kataga sa mga kabataan na gusto ring pumasok sa pagkasundalo na huwag matakot sumubok.

Naniniwala rin ito na ang magandang relasyong nahulma nito sa loob ng akademya ay madadala nito hanggang sa realidad ng buhay sa pagsisilbi sa inang bayan.