Iginiit ng defense team ni Vice President Sara Duterte na ang ‘probable cause’ na nakita ng House Committee on Justice sa impeachment complaints ay hindi nangangahulugang guilty ang Bise Presidente.
Sa panayam, sinabi ni Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense panel, na ang pagkakahanap ng probable cause ay nangangahulugan lamang na pinili ng komite na ituloy o i-transmit ang kaso sa plenaryo.
Binigyang-diin niya na hindi ito katumbas ng pagkakaroon ng guilt, liability, o anumang pagkakasala ng pangalawang pangulo.
Dagdag pa ni Poa, hindi na rin aniya nakakagulat ang naging desisyon ng komite dahil inaasahan na ng kampo ni Duterte na uusad ang kaso patungo sa full trial sa Senado.
Sa kabila nito, nananatili ang paninindigan ng defense team na hindi akma at hindi ligal ang serye ng mga pagdinig na isinagawa ng justice panel kaugnay ng impeachment case.
Matatandaang inabot ng apat na hearing bago tuluyang bumoto ang mga miyembro ng komite at nakitaan ng probable cause ang dalawang reklamo laban sa Bise Presidente.
Ayon pa kay Poa, patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang posisyon sa Supreme Court of the Philippines sa pamamagitan ng isang petisyon na humihiling na ipatigil ang mga pagdinig.














