Ipinaliwanag ni dating Anakalusugan party-list representative Mike Defensor na ang kanyang pakikialam sa 18 nagpakilalang ex-Marines ay limitado lamang sa pagtulong sa kanila, at itinanggi niyang may kinalaman siya sa pagbuo ng kanilang affidavit na naglalaman ng alegasyon ng paghatid ng maletang pera sa ilang politiko.

Ayon kay Defensor, si Atty. Levito Baligod lamang ang direktang nakipag-ugnayan sa mga dating sundalo. “Kahit na ‘yung paghanap sa kanila, hindi ko sila nakikita sa panahon ‘yun. For security reasons, si Atty. Levi lang talaga ang kausap nila. Wala akong pag-uusap sa kanila,” pahayag niya sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Sabado.

Iginiit niya rin na wala siyang direktang koneksyon sa mga ex-Marines bago ang press conference at hindi binayaran ang mga ito para magsalita. “Iyong pagtulong ko sa kanila, katulad yan, transportasyon, nung sila pumunta doon sa press conference, tumutulong ako. Isa lang ako sa mga tumutulong sa kanila,” dagdag niya sa GTV News Balitanghali.

Itinuro rin ni Defensor na nakakita siya ng mga draft ng affidavit ngunit hindi niya pinakialaman ito. “Hindi ko alam pati ‘yung affidavit nila. Nakita ko ‘yung mga draft, nakita ko ‘yung lahat pero hindi ako pwedeng makialam. Hindi ko sila kausap,” ani Defensor.

Advertisement

Nang usisain tungkol sa alegasyon ni dating senador Antonio Trillanes IV na siya ang nasa likod ng mga paratang, muli niyang itinanggi ang anumang pag-uugong na nagbayad sa mga sundalo.

Samantala, nanawagan si Baligod sa Ombudsman na siyasatin ang mga alegasyon, at sinabi ng Ombudsman na kanilang susuriin ang merito ng affidavit pati ang kredibilidad ng mga nagpakilalang ex-Marines.

Advertisement