Itinanggi ni dating Congressman Mike Defensor ang mga paratang na sinuhulan niya ang 18 indibidwal na nagpapakilalang dating Marines ng tig-P5 milyon upang tumestigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects.

Ayon kay Defensor, pawang imbento at walang sapat na batayan ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.

Tinawag din niyang “double hearsay” ang impormasyong nakarating sa National Bureau of Investigation (NBI). Ipinaliwanag niya na nabasa niya ang affidavit ng isang indibidwal na ang pinagmulan ng impormasyon ay mula sa kanyang “manugang,” na nagsabing may naibigay umanong P5 milyon ngunit hindi pa ito kumpleto.

Giit pa ng dating kongresista, ang 18 dating sundalo ay hindi direktang nagsalaysay ng naturang kuwento, at ang mga pahayag ay umanong nagmula lamang sa isang kuwento na narinig ng unang nagbigay ng impormasyon mula sa kanyang biyenan na konektado sa grupo ng ex-Marines.

Advertisement

Kinuwestyon din ni Defensor kung bakit pinanigan o binigyang halaga ng NBI ang naturang ulat, na para sa kanya ay hindi pa beripikadong impormasyon. Dahil dito, sinabi ng NBI na ipapatawag siya sa pamamagitan ng subpoena, na natanggap niya noong Martes. Ayon kay Defensor, magpapakonsulta muna siya sa kanyang abogado kaugnay nito.

Matatandaang una na rin niyang itinanggi na siya ang umano’y handler ng 18 ex-Marines. Gayunman, sa kabila ng pagtanggi sa anumang ugnayan, sinabi niyang patuloy pa rin niyang tutulungan ang mga ito kasunod ng pagkadawit ng testigong si Orly Guteza, na kalaunan ay nawala matapos tumestigo sa umano’y kickback scheme.

Advertisement