NAGA CITY – Labis ang naging kasiyahan ng pamunuan ng Tigers Sepak Takraw Varsity team matapos na sa hindi inaasahang pagkakataon nasungkit ng koponan ng Bicol Region ang gintong medalya para sa nasabing laro sa katatapos pa lamang na Palarong Pambansa 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga, sinabi ni Roy Berja Fabay, Head Coach ng NCF Tigers Sepak Takraw Varsity team, Director of Education Support Services, na nahirapan ang kanilang koponan na makipagsabayan sa koponan na nagwagi ng kampeonato noong nakaraang taon mula sa Western Visayas.
Kasama rin sa kanilang bracket ang koponan mula sa rehiyon ng CARAGA at iba pang malalakas na koponan na nag-improve rin sa kanilang performance.
Lalo pa’t ito ang unang pagkakataon na kinatawan ng kanilang koponan ang Bicol Region sa Sepak Takraw double event kaya naman medyo nanibago ang kanilang mga atleta sa pagsali sa National Competition.
Inamin din ni Fabay na sa unang laro ay nakaranas ang kanilang mga manlalaro ng first game jitters na nagresulta sa kanilang pagkatalo, ngunit ito rin ang nagsilbing stepping stone upang mapabuti at seryosohin ang mga sumunod na laro na naging daan upang maiuwi nila ang gintong medalya.
Dagdag pa ng opisyal, sobra-sobra rin ang paghahandang ginawa nila matapos manalo ng kampeonato sa Palarong Bikol para maabot ang pamantayan at matiyak na magiging maganda ang kanilang laro sa Palarong Pambansa.
Gayunpaman, hindi nila inasahan na makakamit ang gintong medalya at ang layunin lamang nila ay ipakita ang kanilang lakas pagdating sa Sepak Takraw.
Sa ngayon ay ipagpapatuloy nila ang kanilang pagsasanay upang mas mapalakas pa ang kanilang koponan at maihanda ang mga ito sa kanilang mga susunod pang laban.