NAGA CITY- Kasalukuyang naka-lockdown ang School’s Division Office ng Department of Education (DepEd) Camarines Sur matapos magpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga empleyado nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Salvador “Bogs” Pelingon, tagapagsalita ng DepEd CamSur, sinabi nito nagsailalim sa work from home arrangement ang lahat ng empleyado sa nasabing opisina.
Aniya, ito ay para maiwasan ang posibleng pagkakahawaan pa ng nakamamatay na virus.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Pelingon na tuloy-tuloy pa rin ang transaksyon ng naturang ahensiya.
Sa ngayon umano, araw-araw nang isinasagawa ang disinfection sa opisina para matiyak na malinis at ligtas sakali man na bumalik na ang mga empleyado.
Samantala, hindi naman aniya apektado nito ang pagbubukas ng pasukan kasabay ng pag-abiso nito sa lahat hinggil sa pagsunod sa strict health protocols.