Magpapatupad ang Department of Education ng apat na araw na on-site workweek para sa school-based personnel simula Abril 10, 2026, bilang bahagi ng hakbang sa pagtitipid ng enerhiya kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng sigalot sa Middle East.
Sa inilabas na memorandum ng Department of Education nitong Huwebes, nakasaad na ang mga school-based non-teaching at related teaching personnel ay magtatrabaho mula Lunes hanggang Huwebes, habang work-from-home arrangement ang ipatutupad tuwing Biyernes mula Abril 10 hanggang Hunyo 5, 2026.
Ayon sa ahensya, dapat tiyakin ng mga school head na hindi maaantala ang mahahalagang operasyon sa mga paaralan at may sapat na staffing arrangements upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa ilalim ng bagong setup.
Pinapayagan din ang mga pribadong paaralan na magpatupad ng blended learning upang makatulong sa pag-manage ng tumataas na gastos sa kuryente sa gitna ng idineklarang national energy emergency.
Sa hiwalay na memorandum na may petsang Abril 7, 2026, sinabi ng DepEd na maaaring ipagpatuloy ng private schools ang limang araw na face-to-face classes o kaya ay lumipat sa blended learning arrangements depende sa kanilang kakayahan.
Samantala, naglabas din ng guidelines ang Commission on Higher Education para sa higher education institutions, na pinapayagan ang hanggang 100% online classes sa natitirang bahagi ng Academic Year 2025–2026 kung kinakailangan, bilang pansamantalang hakbang sa gitna ng energy emergency.
Nilinaw ng CHED na ang naturang polisiya ay hindi nangangahulugang awtorisasyon para sa permanenteng open distance learning programs, at mananatiling subject sa institutional capacity at abiso sa CHED regional offices.
Nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national energy emergency dahil sa inaasahang pagtaas pa ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East.
Kasabay nito, ipinatutupad din ang 4-day workweek sa mga tanggapan ng executive branch at inaatasan ang mga ahensya ng pamahalaan na bawasan ang konsumo ng kuryente at fuel ng 10% hanggang 20% bilang bahagi ng pagtitipid sa enerhiya.














