Walang napaulat na nasaktang Pilipino sa Lebanon sa kabila ng matinding airstrikes ng Israel sa Beirut na ikinamatay ng tinatayang 300 katao, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Huwebes ng gabi.

Batay sa pinakahuling ulat ng Lebanese Ministry of Health, umabot sa 1,200 ang nasugatan sa naturang pag-atake, at wala ring napaulat na dayuhang nasawi sa insidente, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sinabi ng Philippine Embassy sa Lebanon na na-activate na ang community monitoring mechanisms nito sa tulong ng mga Filipino community leaders at Area Coordinators. Ayon sa embahada, nananatiling ligtas ang mga lugar na may presensya ng mga Pilipino sa kabila ng tensyon.

Bagama’t maraming Pilipino ang nababahala sa sitwasyon, nilinaw ng embahada na wala pang naitatalang nasaktan o nasawi sa hanay ng mga Filipino, at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad para sa regular na updates.

Advertisement

Nauna nang naglabas ng “high alert” security advisory ang embahada, kung saan hinikayat ang mga Pilipino na manatili sa kanilang tirahan, iwasan ang mataong lugar, at limitahan ang paggalaw dahil sa pabago-bagong sitwasyon ng seguridad.

Pinayuhan din ang mga Pilipino na maghanda ng hindi bababa sa tatlong araw na suplay ng pagkain at pangunahing pangangailangan, at tiyaking madaling makukuha ang mahahalagang dokumento gaya ng pasaporte.

Hinikayat din ng embahada ang mga Filipino na samantalahin ang voluntary repatriation program ng pamahalaan habang ito ay bukas, lalo na para sa mga nais makauwi sa Pilipinas.

Ayon sa DFA, mula Pebrero 28 ay nakapagpauwi na ng 56 na Pilipino mula sa Lebanon sa ilalim ng Crisis Alert Level 3, ang pinakamataas na alert level na umiiral sa ilang post ng Pilipinas sa Middle East.

Gayunman, nananatiling hamon ang limitadong flight availability at mataas na presyo ng tiket, kahit patuloy ang government-funded repatriation efforts para sa mga apektadong Overseas Filipino Workers.

Advertisement