Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselado na ang parehong regular at diplomatic passport ng puganteng dating mambabatas na si Elizaldy Co.

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na agad nilang iniulat sa International Criminal Police Organization (Interpol) ang estado ng mga pasaporte ni Co matapos itong kanselahin noong Disyembre ng nakaraang taon.

Dahil dito, posibleng expired na pasaporte ang ginamit ni Co sa kanyang pagpasok sa Czech Republic.

Dagdag pa ng ahensya, ang isa pang regular passport ni Co na nag-expire noong Setyembre 2022 ay hindi na kailangang kanselahin pa dahil hindi na ito maaaring gamitin sa international travel, kabilang ang umano’y pagtawid niya patungong Germany mula sa Czech Republic.

Advertisement

Nauna nang napaulat na si Co ay kasalukuyang nasa France upang humingi ng political asylum matapos isailalim sa kustodiya ng Czech authorities dahil sa umano’y immigration violation.

Kaugnay nito, patuloy ang paghahanap sa dating kongresista dahil sa pagkakadawit umano nito sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan, na siyang pinagmulan ng mga kasong kinahaharap nito.

Advertisement