Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs o DFA na wala itong natatanggap na anumang kahilingan upang kanselahin o suspendihin ang pasaporte ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court o ICC.
Ayon kay DFA spokesperson Analyn Ratonel, nakasaad sa ilalim ng New Philippine Passport Act na maaari lamang kanselahin ang pasaporte batay sa mga espesipikong dahilan na itinakda ng batas.
Nilinaw din niya na hindi kabilang sa mga ito ang simpleng pag-isyu ng warrant mula sa lokal o internasyonal na korte.
Dagdag pa ng DFA, wala pa silang natatanggap na court order na magiging batayan upang repasuhin ang passport status ni dela Rosa.
Gayunman, sinabi ng ahensya na maaari lamang kanselahin ang pasaporte kung may hold departure order mula sa mga awtoridad sa Pilipinas o kung ideklarang pugante ng korte ang may hawak nito.
Patuloy namang usap-usapan si dela Rosa kaugnay ng umano’y warrant of arrest mula sa ICC kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.














