Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang anumang rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan ang mga pangalang “Mary Grace Piattos,” “Kokoy Villamin,” at “Milky Secuya,” na umano’y tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande na walang natagpuang civil registry records para sa nasabing mga pangalan, na kabilang umano sa listahan ng mga tumanggap ng confidential funds na isinumite sa Commission on Audit.

Gayunman, sinabi ng PSA na may natagpuang rekord para sa pangalang “Irene Tan,” na itinuturing na karaniwang pangalan. Ayon sa ahensya, may mga “match” ito sa iba’t ibang civil registry documents tulad ng birth, marriage, at death certificates.

Ipinunto ni Grande na habang positibo ang resulta para kay Irene Tan dahil sa dami ng posibleng kaparehong pangalan, nananatiling “negative record” ang iba pang nabanggit na pangalan dahil walang kaukulang dokumento sa kanilang database.

Advertisement

Ang mga pangalang ito ay lumutang sa mga resibong isinumite umano ng OVP sa Commission on Audit bilang bahagi ng liquidation ng confidential funds noong 2022.

Dahil dito, ilang mambabatas ang nag-alok pa ng pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon hinggil kay “Mary Grace Piattos,” na kanilang pinagdududahan na maaaring hindi tunay na tao at posibleng alyas lamang.

Una nang sinabi ng kampo ng Bise Presidente na maaaring gumamit lamang ng pseudonym ang naturang pangalan.

Advertisement