Iniutos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pagpapatupad ng moratorium sa pagbabayad ng housing amortization sa Bicol Region bilang tulong sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pag-aalboroto ng Mayon Volcano.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, inatasan ang mga key shelter agencies tulad ng Pag-IBIG Fund, Social Housing Finance Corporation (SHFC), at National Housing Authority (NHA) na ipatupad ang moratorium bilang bahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong residente.
“Ito po ang ambag ng DHSUD at KSAs sa whole-of-government response… upang hindi na muna aalalahanin ng mga apektadong residente ang pambayad sa kanilang amortization,” ani Aliling.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking naihahatid ang agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pagputok ng bulkan.
Inaasahang maglalabas ang mga ahensya ng detalyadong guidelines hinggil sa saklaw at tagal ng moratorium.
Nauna nang nagpatupad ang SHFC ng isang buwang payment suspension para sa mga benepisyaryo sa Bicol, habang may umiiral ding moratorium ang NHMFC para sa ibang programa ng pabahay.
Bukod dito, inatasan din ang DHSUD Regional Office 5 na makipag-ugnayan sa Office of Civil Defense at iba pang ahensya upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga residenteng apektado ng aktibidad ng Mayon Volcano.












