Nagbabala ang DICT laban sa mga nagpapakalat ng fake news online kaugnay ng kaguluhang naganap sa Senado nitong Miyerkules ng gabi, at iginiit na mahigpit nilang babantayan ang social media kasama ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, makikipagtulungan ang ahensya sa CICC upang i-monitor ang mga online post na maaaring magpalala ng tensyon o mag-udyok ng karahasan kasunod ng insidente sa Senado.
“Alinsunod sa aming mandato, magsasagawa ngayon ng close monitoring ang DICT at CICC sa mga post o content na matatagpuang nanghihikayat na dagdagan pa ang gulo o maghasik ng karahasan,” pahayag ni Aguda.
Babala pa ng DICT, pananagutin ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng maling impormasyon o nag-uudyok ng karahasan sa cyberspace.
Giit ng ahensya, hindi nila kukunsintihin ang ganitong uri ng aktibidad at prayoridad nila ang kaligtasan ng publiko, lalo na ng mga nasa loob ng Senado at mga kaugnay na empleyado.
Nanawagan din ang DICT sa publiko na maging responsable sa pag-share ng impormasyon at umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong balita, edited content, at mga mapanlinlang na post na maaaring magdulot ng kalituhan.
“Sa panahon ng tensyon at pangamba, walang puwang ang pagpapakalat ng mga fake news… Gaya ng sabi ng ating Pangulo, kalma lang po tayo,” dagdag ni Aguda.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na umasa lamang sa lehitimo at opisyal na sources at tiyaking beripikado ang impormasyon bago ito i-post, i-comment, o i-share online.














