Muling iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahalaga ang ginagampanang papel ng Municipal Local Government Operations Officers (MLGOOs) sa pagpapatibay ng batas at sa pagtiyak na naipatutupad nang maayos at makatarungan ang Katarungang Pambarangay sa mga komunidad.
Sa isang pahayag, sinabi ng DILG na aktibong ginagabayan ng mga MLGOO ang mga opisyal ng barangay sa pagsunod sa tamang proseso ng pag-aayos ng sigalot, lalo na sa mediation at conciliation. Kabilang dito ang wastong pag-isyu ng patawag, pagsasagawa ng pagdinig, at pagtiyak na nasusunod ang due process alinsunod sa umiiral na batas.
Binigyang-linaw din ng ahensya na bagama’t walang kapangyarihan ang Lupon o Pangkat na pilitin ang pagdalo ng mga sangkot sa kaso, may kaakibat na parusa ang hindi pagsipot nang walang sapat na dahilan. Ayon sa DILG, maaaring magsampa ng kaukulang aksyon sa korte laban sa mga lumalabag, na posibleng makaapekto rin sa kanilang mga reklamo o depensa.
Ipinunto ng kagawaran na ang ganitong mekanismo ay nagpapakita na kahit walang direktang puwersa ang barangay justice system, nananatili itong may ngipin sa pamamagitan ng legal na proseso sa hukuman.
Ayon pa sa DILG, mahalaga ang presensya ng MLGOO upang matiyak na ang bawat hakbang ay naaayon sa batas at malinaw sa mga mamamayan. Sa ganitong paraan, napapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya sa barangay.
Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala ang ahensya sa naging karanasan ng isang MLGOO sa isang panayam sa telebisyon kamakailan, kung saan umano’y nakaranas ito ng hindi makatarungang pagtrato habang ipinapaliwanag ang umiiral na batas.
Giit ng DILG, bagama’t mahalaga ang kritisismo at diskurso sa pampublikong serbisyo, dapat itong isagawa nang may respeto at layuning magbigay-linaw, hindi magdulot ng paghamak.














