Humingi ng paumanhin si DILG Sec. Jonvic Remulla kaugnay ng kanyang maling pagtataya sa posibleng pagbabalik sa Pilipinas ng puganteng dating mambabatas na si Elizaldy Co.

Inamin ni Remulla, kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na nagkamali siya sa pag-aakalang pareho lamang ang proseso ng repatriation ng mga indibidwal na kulang sa travel documents sa ibang bansa at sa Pilipinas.

Nauna nang sinabi ng kalihim na posibleng maibalik sa bansa si Co sa loob ng isa hanggang tatlong linggo matapos ang iniulat na pagkakadetine nito sa Czech Republic.

Gayunman, nabigo ang naturang pagtataya matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na wala na si Co sa kustodiya ng mga awtoridad sa naturang bansa.

Advertisement

Nauna nang napaulat na naaresto si Co, na itinuturong pangunahing personalidad sa multi-bilyong pisong kontrobersiya sa flood control projects, matapos umano itong makapasok sa Czech Republic nang walang sapat na dokumento.

Sa kabila nito, hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad ang kasalukuyang kinaroroonan ng dating mambabatas habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at koordinasyon sa mga dayuhang ahensya.

Advertisement