Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ngayong Sabado na wala pa siyang natatanggap na opisyal na impormasyon kaugnay sa umano’y arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay Remulla, maituturing lamang na sabi-sabi o “hearsay” ang ulat hangga’t wala siyang nakikitang opisyal na kopya ng warrant.
Noong Nobyembre 2025, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagpalabas na umano ng arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa, ngunit sinabi noon ng Department of Justice (DOJ) na bineberipika pa nito ang naturang impormasyon.
Noong Enero 2026, tumanggi namang magbigay ng komento ang DOJ hinggil sa mga ulat na naghahanda umano itong ipatupad ang warrant laban sa senador kaugnay ng mga kasong isinampa sa ICC.
Mula noong Nobyembre 11, 2025, hindi na dumalo si Dela Rosa sa mga sesyon ng Senado.
Noong Pebrero 2026, pinangalanan ng ICC si Dela Rosa bilang isa sa mga umano’y kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa tinaguriang “common plan” na neutralisahin ang mga pinaghihinalaang kriminal sa pamamagitan umano ng mararahas na krimen kabilang ang pagpatay.
Nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng Davao City Police mula Enero 2012 hanggang Oktubre 2013 at naging pinuno ng Philippine National Police mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018 sa ilalim ng administrasyon ni Duterte bilang alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Batay sa Document Containing the Charges na isinumite ng prosekusyon sa ICC, kabilang umano si Dela Rosa sa mga kasangkot sa kampanya kontra droga na nagresulta sa mga pagpatay.
Noong nakaraang buwan, kinumpirma ng ICC ang mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng madugong war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.














