Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) ng pinansiyal at kabuhayan na tulong para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na pansamantalang hindi makabalik sa kanilang trabaho sa Middle East dahil sa umiiral na digmaan sa rehiyon.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kasalukuyang gumagawa ang ahensya ng talaan ng mga apektadong OFWs dahil hanggang ngayon wala pa silang kumpletong listahan.

Sinabi ni Cacdac na patuloy parin ang epekto ng digmaan sa mga sektor ng hospitality, transportasyon, restaurant, at construction sa rehiyon. Pinayuhan niya ang mga OFWs na huwag munang bumiyahe kung wala pang siguradong trabaho.

Bilang tugon, inilunsad ng DMW ang “Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa” program, na naglalayong magbigay ng pinansiyal na tulong at kabuhayan sa mga OFWs na pansamantalang hindi makabalik sa kanilang trabaho.

Advertisement

“Simula pa lang, tinutulungan na natin yung mga hindi makaalis… Kaya tayo ay nagbibigay ng tulong para sa mga OFWs. Itong pondong pinansyal na ito, tutulungan natin sila kung hindi muna sila makaalis,” ani Cacdac.

Inaasahang makakatulong ang programa sa pagtiyak ng kabuhayan at seguridad ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa rehiyon.

Advertisement