Pinabulaanan ng Department of Energy (DOE) ang kumakalat na ulat online tungkol sa umano’y malawakang brownout sa Pilipinas ngayong taon dahil sa tumataas na presyo ng langis at tensyon sa Middle East.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni DOE Undersecretary Felix “Wimpy” Fuentebella na walang katotohanan ang naturang balita at hindi magiging sanhi ng oil crisis ang posibleng brownout sa bansa.
Ayon kay Fuentebella, kung sakaling magkaroon man ng brownout, ito ay maaaring dulot ng teknikal na problema tulad ng naputol na linya ng kuryente at hindi dahil sa kakulangan sa suplay ng langis.
Tiniyak din ng opisyal na sa kasalukuyan ay walang nakikitang ganitong sitwasyon, ngunit nangako itong magiging transparent ang ahensya at agad magbibigay ng abiso kung may mangyayaring problema.
Ipinaliwanag din niya na may umiiral na National Oil and Gas Contingency Plan ang pamahalaan na gumagamit ng interagency approach upang tugunan ang epekto ng sigalot sa Middle East.
Sa kabila nito, nanawagan si Sen. Paolo “Bam” Aquino IV na ideklara ang state of national emergency upang mas epektibong matugunan ang krisis at mapanatili ang operasyon ng mahahalagang sektor tulad ng pamilihan, ospital, at paaralan.
Hiniling din ni Aquino ang pormal na negosasyon sa ASEAN Petroleum Security Agreement (APSA) upang mapalakas ang regional cooperation sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay ng langis.
Samantala, iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pangangailangan ng isang komprehensibong national contingency plan na sasaklaw hindi lamang sa langis at gas kundi pati sa food security at kapakanan ng mga overseas Filipino workers, lalo na kung magtatagal ang tensyon sa Middle East.














