Photo © web

Naghain ng reklamo ang Department of Energy (DOE) laban kay Batangas Rep. Leandro Leviste at sa mga opisyal ng Solar Para Sa Bayan Corp. (SPSB) sa Department of Justice (DOJ) noong Mayo 6 dahil umano sa kabiguang tuparin ang obligasyon ng kanilang 25-year franchise na magbigay ng kuryente sa mga liblib na lugar.

Ayon sa DOE, pitong taon na ang nakalipas mula nang pagkalooban ng prangkisa ang SPSB noong 2019 ngunit hindi umano ito nagamit o nakapag-operate nang maayos, na itinuturing na paglabag sa Republic Act 11357.

Sa reklamong inihain, sinabi ng DOE na “knowingly and willfully neglected, failed, or omitted” umano ng kumpanya ang pagtupad sa tungkulin nitong magsuplay ng kuryente sa mga underserved at off-grid areas sa bansa.

Nakasaad din sa dokumento na sa kabila ng umano’y hindi pagtupad sa franchise obligations, nagpatuloy pa rin ang kumpanya sa pagbibigay ng renewable energy sa pamamagitan ng iba’t ibang kompanya sa ilalim ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc., na sinasabing pagmamay-ari ni Leviste.

Advertisement

Nauna nang nabigyan ang SPSB ng 25-anyos na non-exclusive franchise sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, itinanggi naman ni Leviste ang mga alegasyon at tinawag na “super duper weak” ang reklamong isinampa laban sa kanila. Ayon sa kongresista, sa media lamang niya unang nalaman ang tungkol sa kaso.

Sa kasalukuyan, sinusuri pa ng DOJ ang reklamo at hindi pa ito pormal na naka-docket o kabilang sa mga kasong nakatakdang dinggin ng korte.

Advertisement