Inihayag ng Department of Energy (DOE) na isusulong nito ang pagpasok sa grid ng 1,471 megawatts mula sa 22 proyektong pang-enerhiya bago matapos ang Abril 2026 upang palakasin ang suplay ng kuryente sa bansa.
Kabilang sa mga proyektong ito ang 12 solar na may kabuuang 1,284 MW, anim na hydroelectric na may 48.23 MW, dalawang biomass na may 38 MW, isang wind project na may 13.56 MW, at isang Integrated Renewable Energy Storage System na may 20 MW.
Bahagi ang mga ito ng 200 power projects na minamadaling ipatupad ng DOE sa susunod na tatlong taon, alinsunod sa direktiba matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan 24 planta na ang operational sa kasalukuyan.
Nakikipag-ugnayan ang ahensya sa National Grid Corporation of the Philippines at iba pang institusyon upang matiyak ang maayos na implementasyon ng mga proyekto at maiwasan ang pagkaantala sa operasyon.














