Naitala ng Department of Health ang 4,277 bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa ikaapat na kwarter ng 2025, batay sa pinakahuling datos ng ahensya.

Ayon sa DOH, karamihan sa mga bagong kaso ay lalaki na may 4,038, habang 239 lamang ang babae.

Pinakamarami sa mga kaso ay nasa edad 25 hanggang 34 na bumubuo ng 45% o 1,929 kaso, sinundan ng 15 hanggang 24 taong gulang na may 32% o 1,361 kaso. Nakababahala rin ang 15 kaso na natukoy sa mga batang wala pang 15 taong gulang.

Mas mababa ito kumpara sa ikatlong kwarter ng 2025 na may 5,583 bagong kaso, ngunit nananatiling mataas ang average na 47 kaso kada araw mula Oktubre hanggang Disyembre.

Advertisement

Sa kabuuan, umabot na sa 163,454 ang naitalang HIV cases sa bansa mula 1984 hanggang Disyembre 2025.

Iniulat din ng DOH na 4,760 bagong pasyente ang nagpatala para sa Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP), na bahagi ng preventive program laban sa HIV.

Sa kasalukuyan, nasa 61% ang diagnosed, 66% ang nasa gamutan, at 57% ang may viral suppression sa ilalim ng 95-95-95 target ng bansa.

Nauna nang nagbabala ang DOH na maaaring umabot sa mahigit 457,000 ang HIV cases sa 2030 kung hindi ito mapipigilan, at tinawag ang sitwasyon bilang isang “evolving epidemic.”

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nakababahala ang patuloy na pagtaas ng kaso sa mga kabataan, kabilang ang naiulat na 12-anyos na pasyente mula sa Palawan, na nagpapakita ng lumalawak na saklaw ng sakit sa bansa.

Advertisement