Inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na posibleng may “DOH mafia” na nasa likod ng sunod-sunod na reklamong isinampa laban sa kanya, kabilang ang graft case kaugnay ng umano’y ₱1.4 bilyong nasayang na gamot.

Ayon sa kalihim ng Department of Health (DOH), umabot na sa 13 reklamo ang naihain laban sa kanya mula noong Hunyo 2025, kabilang ang isinampa ng grupong “Concerned Department of Health Personnel” sa Office of the Ombudsman noong Marso 31.

Hinimok ni DOH Secretary Herbosa ang mga nagsampa ng reklamo na magpakilala at maging handang ilantad ang kanilang ebidensya kung may basehan ang kanilang mga paratang.

Ibinahagi rin ng kalihim ang kanyang hinala na ang naturang grupo ay bahagi ng tinatawag niyang “DOH mafia,” na umano’y may kaugnayan sa katiwalian sa loob ng ahensya, bagamat hindi siya nagbanggit ng mga pangalan.

Advertisement

Kaugnay ng reklamong nagsasabing may higit ₱1.4 bilyong halaga ng gamot ang nasayang, sinabi ni DOH Secretary Herbosa na wala pa siyang natatanggap na pormal na abiso mula sa Ombudsman at sasagot siya sa tamang panahon.

Sa hiwalay na isyu ng expired COVID-19 vaccines na binanggit sa ulat ng Commission on Audit (COA), iginiit niyang hindi siya ang responsable sa pagbili ng mga ito.

Ayon pa kay DOH Secretary Herbosa, mas mababa sa 10 porsyento ng kabuuang suplay ng bakuna ang nag-expire, at posibleng bahagi lamang umano ng “demolition job” laban sa kanya ang mga akusasyon.

Advertisement