Lumagda sa isang kasunduan ang Department of Justice (DOJ) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) upang magbahagi ng datos ng mga empleyado, bilang hakbang para maiwasan ang pagpasok ng mga opisyal ng gobyerno sa mga establisimyento ng sugal.

Kabilang sa mga lumagda sa memorandum of agreement sina Justice Secretary Fredderick Vida, PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco, Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, at Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr.

Ayon kay Vida, ibabahagi ng mga ahensya ang pangalan at larawan ng kanilang mga empleyado upang mapalakas ang monitoring at enforcement laban sa paglabag sa umiiral na batas.

Batay sa Presidential Decree No. 1869 o PAGCOR Charter, pati na rin sa Memorandum Circular No. 6, series of 2016, mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno ang pagpasok at pagsusugal sa mga casino.

Advertisement

Babala ni Vida, ang sinumang mahuhuling lalabag ay maaaring agad na matanggal sa serbisyo. Dagdag pa niya, bukod sa administrative sanctions ay maaari ring sampahan ng kasong kriminal ang mga lalabag.

Sa unang yugto, tinatayang nasa 6,000 empleyado ang isasama sa data-sharing, na maaaring umabot sa 50,000 kapag naisama ang lahat ng attached agencies ng DOJ.

Hindi pa kabilang sa kasunduan ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil inaayos pa ang ilang usapin, lalo na sa mga operatibang sangkot sa confidential work. Gayunman, inaasahang lalagda rin ang NBI sa susunod na mga araw.

Samantala, aminado si Tengco na dati ay nahihirapan ang PAGCOR sa pagkuha ng datos dahil sa paggamit ng Data Privacy Act bilang dahilan ng ilang ahensya. Tiniyak naman niya na poprotektahan at maayos na iingatan ang anumang impormasyong ibabahagi sa kanila.

Binigyang-diin ni Vida na ang hakbang na ito ay paalala sa mga lingkod-bayan na sumunod sa batas at magsilbing huwaran sa publiko.

Advertisement