NAGA CITY – Nag-apela ng tulong ang isang doktor kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos makaranas ng diskriminasyon sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Walter Randolph Jalgalado, Board Member ng Camarines Norte, sinabi nito na hindi siya pinayagang manatili sa session hall dahil galing umano ito sa Albay kung saan may ilang kaso ng COVID-19 sa naturang lalawigan.

Aniya, binalewala rin ang kaniyang paliwanag na isa siyang frontliner at Authorized Person Outside Residence (APOR).

Dagdag pa nito, may mga dumating din aniya na mga sundalo sa session mula sa Armed Forces of the Philippines – AFP Southern Luzon command na galing naman sa lalawigan ng Quezon kung saan mayroon ding kaso ng naturang sakit.

Advertisement

Ngunit pinayagan umano ang mga ito na manatili sa nasabing session samantalang ipinag-utos naman ng kanilang gobernador na ipahatid siya sa Provincial Quarantine Facility.

Dahil din dito, pinalabas na ito sa naturang lalawigan at hindi na pinapayagang makapasok pa.

Sa ngayon, umaasa naman ito na makakarating sa pangulo ang kaniyang panawagan.

Advertisement