Muling inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang online portal na magsisilbing daan upang maiparating ng mga empleyado at employer ang kanilang mga reklamo at hinaing.
Ayon sa DOLE, layunin ng muling paglulunsad ng portal na mapadali ang pagsusumite ng mga concern kaugnay ng paggawa, kabilang ang mga isyu sa karapatan ng manggagawa at labor standards.
Sa pamamagitan ng nasabing platform, maaari nang direktang magsumite ng reklamo ang mga manggagawa at employer, gayundin ay makakuha ng gabay hinggil sa mga proseso ng pagresolba ng labor disputes.
Dagdag pa ng ahensya, ang updated na portal ay may mga bagong feature tulad ng tracking system para sa mga isinumiteng reklamo, maayos na dokumentasyon, at access sa mga polisiya na makatutulong sa mga katanungan ng mga user.
Inaasahan ng DOLE na mas mapapabilis at magiging mas episyente ang pagresponde sa mga isyu sa paggawa sa pamamagitan ng digital na sistemang ito.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa at mapabuti ang ugnayan sa pagitan ng labor at management.










