Ipinaalala ng Department of Labor and Employment sa mga employer na obligadong magbigay ng double pay o 200% ng regular na arawang sahod sa mga empleyadong nagtatrabaho ngayong araw ng Huwebes Santo, dahil ito ay isang regular holiday.
Ayon sa Labor Advisory ng DOLE, ang mga empleyadong naka-duty sa Maundy Thursday ay karapat-dapat sa double pay. Samantala, ang mga empleyado na hindi naka-duty sa regular holiday tulad ng Maundy Thursday ay patuloy na tatanggap ng 100% ng arawang sahod, basta’t sila ay present o nasa approved leave with pay sa workday bago ang holiday.
Dagdag pa rito, kung ang araw bago ang holiday ay non-working day o scheduled rest day ng empleyado, makatatanggap pa rin siya ng holiday pay kung nagtrabaho o nasa leave with pay sa araw bago ang non-working day o rest day.
Para naman sa trabaho na lampas sa walong oras sa regular holiday na kasabay ng rest day ng empleyado, obligadong magbayad ang employer ng karagdagang 30% ng hourly rate para sa overtime na iyon.
Ang paalala ng DOLE ay bahagi ng patuloy na pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa sa tamang sahod at benepisyo sa panahon ng mga regular holidays.











