Inilunsad ng pamahalaan ang “Handa: The Integrated Platform for Preparedness, Early Warning, and Response,” isang website na naglalayong pag-isahin ang impormasyon sa sakuna upang mapahusay ang kahandaan at pagtugon ng publiko.
Binuo ang platform sa pamamagitan ng Department of Science and Technology katuwang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology, kung saan pinagsama-sama ang iba’t ibang sistema para sa early warning, preparedness, at response.
Sa paglulunsad sa Quezon City, sinabi ni Renato Solidum Jr. na layunin ng proyekto na tugunan ang kakulangan sa real-time risk information at ang pagkakawatak-watak ng datos mula sa iba’t ibang ahensya.
Pinag-isa ng website ang mga advisory mula sa Phivolcs, weather bureau, at Mines and Geosciences Bureau, at nag-aalok ng near real-time monitoring, location-based alerts, AI-assisted tools, at interactive dashboards para sa publiko.
May kakayahan din ang platform na tumanggap ng ulat mula sa mga user hinggil sa mga insidente tulad ng pagbaha, sunog, at aksidente sa kalsada, pati na ang SOS alert feature na maaaring magbahagi ng lokasyon sa mga responder.
Ayon kay Solidum, layunin ng “Handa” na gawing mas accessible ang risk information at pagdugtungin ang agham, pamahalaan, at komunidad upang mapalakas ang disaster resilience ng bansa.














