Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni ng ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila mula Marso 30 hanggang Abril 6, kasabay ng inaasahang pagluwag ng daloy ng trapiko ngayong Semana Santa.

Ayon sa DPWH–National Capital Region, saklaw ng road repairs ang iba’t ibang lungsod kabilang ang Las Piñas, Muntinlupa, Maynila, Pasig, Valenzuela, at Quezon City.

Kabilang sa mga isinasagawang proyekto ang asphalt overlaying, pagkukumpuni ng sidewalk, expansion joints, waterproofing, at iba pang rehabilitasyon sa mga tulay at kalsada upang mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista.

Ilan sa mga apektadong lugar ang EDSA southbound sa Magallanes Flyover at bahagi ng EDSA mula Orense hanggang Buendia sa Makati. Apektado rin ang Rosario Bridge sa Ortigas Avenue sa Pasig at MacArthur Highway sa Karuhatan, Valenzuela.

Advertisement

Sa Quezon City, may mga road works sa E. Rodriguez Sr. Avenue, G. Araneta Avenue, San Juan Bridge, at Lambingan Bridge. Samantala, isinasagawa rin ang rehabilitasyon sa Almirante Creek sa Las Piñas at Alabang-Muntinlupa Road.

Nagbabala ang DPWH na magkakaroon ng pansamantalang partial road closures sa mga naturang lugar. Pinapayuhan ang mga motorista na sumunod sa traffic advisories at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.

Inaasahan naman na mas luluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila dahil sa pag-uwi ng maraming biyahero sa kani-kanilang probinsya para sa Semana Santa.

Advertisement