May hawak nang profile ang Quezon City Police District (QCPD) sa driver ng sasakyan na tumakas matapos magpa-full tank sa isang gasolinahan sa Balintawak, Quezon City, ayon sa pulisya.

Batay sa ulat at kuha ng CCTV, namataan ang suspek na bumaba sa isang puting sasakyan sa EDSA Caloocan bandang hatinggabi ng Marso 22, ilang minuto bago ito nagpakarga ng diesel sa naturang gasolinahan. Sa karagdagang footage, napansin din na may takip ang likurang plaka ng sasakyan.

Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Randy Glenn Silvio, tinatayang nasa 5’2 hanggang 5’5 ang taas ng suspek, nakasuot ng itim na damit at tsinelas. Nakuhanan din ito ng CCTV habang may tinitingnan sa likurang bahagi ng sasakyan. Kasalukuyan nang ine-enhance ng cybercrime group ang video upang malinaw na matukoy ang kanyang mukha.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang backtracking at forward tracking ng mga CCTV footage. Mayroon na ring tinutukoy na posibleng suspek, at nakahanda na ang koordinasyon sa mga awtoridad sa NLEX at SLEX para sa posibleng ruta nito.

Advertisement

Hinimok naman ng pulisya ang suspek na sumuko at magpaliwanag upang mapadali ang proseso ng imbestigasyon.

Samantala, nagpaabot ng tulong ang mga pulis sa pump attendant matapos malaman na ikakaltas sa kanyang sahod ang halagang P5,196 na halaga ng diesel na tinangay ng suspek.

Sa oras na maaresto, mahaharap ang suspek sa kasong estafa.

Advertisement