NAGA CITY- Patay ang driver ng isang truck habang sugatan naman ang dalawa pa sa karambola ng tatlong sasakyan sa Atimonan, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Julie Bose Jr., 35-anyos, residente ng Brgy. Sapote, Bacoor, Cavite habang ang mga sugatan naman ay sila Ranny Dela Cruz Macasinag, 27-anyos, residente ng Brgy. Bacolod, Milagros, Masbate at Jaime Desera Oliverio, 47-anyos, residente naman ng Manuyo II, Las Pinas City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng truck na minamaneho ni Bose sakay si Macasinag papunta sa direksyon ng Bicol region nang mahagip nito ang isa ring truck na nakaparada sa tabi ng kabilang kalsada.

Dahil dito, tumagilid, nag-slide at tumama ito sa isa pang magpaparada ring truck na minamaneho naman ni Oliverio.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, mababatid na dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang tatlo na agad naman dinala sa ospital ngunit sa kasamaang palad ay idineklara ring Dead on Arrival ng mga doktor si Bose.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay ng nasabing insidente.