Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko laban sa kumakalat na pekeng online applications at text messages na nag-aalok umano ng fuel assistance gamit ang pangalan ng ahensya.

Ayon sa DSWD, hindi totoo ang mga mensaheng nagsasabing maaaring mag-apply online para sa fuel aid, kabilang ang mga text na may kasamang link na nag-aalok ng P3,000 e-fuel voucher.

Iginiit ng ahensya na wala itong ipinapadalang anumang online application o link para sa tulong-pinansyal, at ang ganitong mga mensahe ay bahagi ng panlilinlang upang makuha ang personal na impormasyon ng mga biktima.

Dagdag pa ng DSWD, may ilang indibidwal na sinasamantala ang pamamahagi ng cash assistance para sa mga driver ng pampublikong transportasyon upang makapangloko.

Advertisement

Nilinaw ng ahensya na ang distribusyon ng fuel assistance ay isinasagawa nang personal at nakabatay sa listahang isinumite at bineripika ng mga local government units (LGUs), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at transport network companies (TNCs).

Sa huli, hinimok ng DSWD ang publiko na huwag mag-click ng mga kahina-hinalang link at huwag magbahagi ng personal na impormasyon upang makaiwas sa scam.

Advertisement