Muling nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng 11-taong-gulang na batang babae na sumulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ilahad ang umano’y pang-aabuso at harassment na naranasan niya at ng iba pang mga bata sa kanilang komunidad.
Ayon sa ahensya, agad na inaksyunan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang hiling ng bata alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos Jr.
Sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumlao na nagsagawa na ang DSWD Field Office 5 – Bicol Region ng on-site assessment sa Redeemer Homeless Mission, isang shelter para sa mga pamilyang naapektuhan ng kahirapan at kalamidad.
Limang pamilya sa nasabing non-profit mission ang nakatanggap ng tig-P10,000 bilang cash relief assistance, kabilang ang pamilya ng batang sumulat.
Nagbigay rin ang DSWD ng psychosocial first aid sa tatlong iba pang bata na naninirahan sa mission.
Lumabas sa isinagawang assessment ang kakulangan sa access sa basic services, matatag na kabuhayan, at protection mechanisms upang matiyak ang kaligtasan at maayos na pag-unlad ng mga bata.
Ipinangako naman ng DSWD ang pagsasagawa ng home visits ngayong linggo para sa natitirang mga bata at kanilang pamilya.
Makikipag-ugnayan din ang ahensya sa Bicol Regional Hospital and Medical Center upang makapagpadala ng lisensyadong psychologist para sa karagdagang psychosocial support services.
Dalawang pamilya na hindi pa nakatatanggap ng tulong ay inaasahang mabibigyan ng cash relief ngayong linggo.














