Mahigit P220 million na cash assistance ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 45,000 transport network company (TNC) drivers at riders sa pinakahuling payout operations ng ahensya.

Ayon sa DSWD, umabot na sa 45,522 benepisyaryo sa Metro Manila ang nabigyan ng ayuda hanggang noong Sabado, Mayo 16, na may kabuuang P227.61 million na naipamahagi sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.

Pinakamarami ang benepisyaryo mula sa Grab at Move It riders na umabot sa 37,344 at tumanggap ng kabuuang P186.72 million na ayuda.

Samantala, 4,300 benepisyaryo mula sa JoyRide ang nabigyan ng tulong na nagkakahalaga ng P21.5 million, habang 3,878 mula sa inDrive ang tumanggap ng kabuuang P19.39 million.

Advertisement

Naitala naman noong Mayo 16 ang pinakamataas na single-day payout kung saan 8,172 benepisyaryo ang nakatanggap ng P40.89 million cash assistance.

Bahagi ang payout operations ng pamahalaan sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) framework.

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene B. Dumlao, naging maayos at mabilis ang distribusyon dahil isinagawa ito kada kumpanya at sa tulong ng koordinasyon sa mga TNC.

Nagpasalamat din ang ahensya sa mga kumpanya sa paglalaan ng mas accessible at komportableng payout venues para sa mga driver at rider.

Magpapatuloy ang payout operations sa susunod na linggo, kaya hinikayat ng DSWD ang mga benepisyaryo na bantayan ang mga anunsyo mula sa kanilang mga kumpanya para sa iskedyul at venue ng pamamahagi.

Advertisement