Nagtapos ang kampanya nina Filipina tennis star Alex Eala at American partner na si Hailey Baptiste sa doubles tournament ng Italian Open matapos silang talunin nina Taylor Townsend at Kateřina Siniaková, 6-2, 6-1, sa Rome, Italy nitong Mayo 12.

Agad na nakalamang sa simula ng laban sina Townsend at Siniaková at unti-unting nakontrol ang takbo ng laro, lalo na sa mga crucial rallies at service games.

Sa unang set, nakahabol pa sina Eala at Baptiste sa ilang puntos ngunit nagawa ng kanilang kalaban, kapwa Grand Slam doubles champions, na makapagtala ng sunod-sunod na panalo sa games upang kunin ang set sa 6-2.

Sa ikalawang set, mabilis ding nakapagtatag ng 4-0 na kalamangan ang magkapareha mula United States at Czech Republic. Nakakuha ng isang game sina Eala at Baptiste para sa 4-1, ngunit hindi na nila napigilan ang tuloy-tuloy na agresibong serving at net play ng kalaban na nagtapos sa 6-1.

Advertisement

Sa kabila ng pagkatalo, inaasahang magpapatuloy si Eala sa kanyang clay-court preparations para sa mga susunod na torneo kabilang ang WTA125 Parma Ladies Open at Internationaux de Strasbourg bilang paghahanda sa French Open sa katapusan ng Mayo.

Advertisement