Bigo ang Filipina tennis star na si Alex Eala sa unang round ng Internationaux de Strasbourg matapos matalo kay Ukrainian qualifier Oleksandra Oliynykova sa tatlong set, 6-3, 5-7, 3-6.
Nagsimula nang malakas si Eala sa Centre Court sa 16-degree cloudy conditions at nakuha ang unang set, 6-3, sa kabila ng komplikadong estilo ng kalaban na gumagamit ng looping shots, slices, at drop shots.
Sa ikalawang set, nakabawi si Oliynykova at pinilit si Eala na magkamali sa ilang pagkakataon, dahilan upang makuha ng Ukrainian ang set, 7-5, at maitabla ang laban.
Sa deciding third set, nagpakita pa rin ng determinasyon si Eala sa mahahabang rallies at iba’t ibang shot-making, kabilang ang short-angle forehand at swinging volley winners. Gayunman, nakabawi si Oliynykova sa huling bahagi ng laban at tinapos ang laro, 6-3, upang tuluyang makapasok sa susunod na round.














