Nabigo si Alex Eala na makausad sa susunod na round matapos siyang talunin ni Jelena Ostapenko sa Round of 16 ng Upper Austria Ladies Linz Open nitong Miyerkules.
Tinapos ni Ostapenko ang laban sa iskor na 6-4, 7-5 matapos maagaw ang momentum mula kay Eala na unang nanguna sa dalawang set.
Nagpakita ng matinding laban si Eala sa simula, kung saan umabante siya ng 4-2 sa unang set at nagpakitang-gilas pa sa ikalawang set nang makuha ang 4-0 na abante.
Gayunpaman, nakabawi ang Latvian player at ipinamalas ang kanyang karanasan, matapos kunin ang apat na sunod na laro upang maagaw ang unang set.
Sa ikalawang set, tuluyang dinomina ni Ostapenko ang huling bahagi ng laban sa pamamagitan ng anim na magkakasunod na panalo upang maselyuhan ang kanyang panalo.
Bago ang pagkatalo, matagumpay na tinalo ni Eala si Julia Grabher sa Round of 32 sa iskor na 6-4, 6-3.
Ito rin ang kauna-unahang panalo ni Ostapenko laban kay Eala sa isang WTA tournament.
Sa kabila ng pagkabigo, inaasahang muling babalik si Eala sa aksyon sa Stuttgart Open sa susunod na linggo.














