Pinalalakas ng CDRRMO ng Naga City ang kahandaan ng lungsod laban sa mga kalamidad sa pamamagitan ng paglalagay ng makabagong early warning systems at pagpapalawak ng kaalaman at paghahanda sa sakuna sa mga barangay at bawat pamilya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raynor Rodriguez, Head ng CDRRMO-Naga, sinabi nito na bahagi ng kanilang plano ang paglalagay ng 12 Davis weather sensors sa mga estratehikong lugar sa lungsod. Susukat ang mga ito sa dami ng ulan, lakas ng hangin, temperatura, humidity at kalidad ng hangin. Ang mga makakalap na datos ay itatago sa isang cloud-based system upang mas mapadali ang pagsubaybay sa lagay ng panahon.
Inaasahang makatutulong ang mga datos na ito sa pagtukoy sa mga lugar na madaling bahain, gayundin sa pagbuo ng mga angkop na polisiya at pangmatagalang solusyon para sa pagbabawas ng panganib na dulot ng mga kalamidad.
Katuwang din ang CDRRMO sa Ateneo de Naga University sa pagbuo ng isang monitoring dashboard na magbibigay sa publiko ng halos real-time na impormasyon tungkol sa lagay ng panahon.
Bukod sa mga digital platform, gagamitin din ang radyo, group chats, paging systems at pagpapakalat ng babala sa pamamagitan ng pag-iikot sa mga komunidad upang matiyak na makararating ang mga babala sa lahat ng residente, kabilang na ang mga nakatira sa malalayong lugar.
Samantala, natapos na rin ng CDRRMO ang assessment at mga aktibidad para sa pagpapalakas ng kakayahan ng 27 barangay noong Oktubre. Layunin nitong matukoy ang mga kakulangan at mapabuti ang kanilang mga plano sa paghahanda laban sa mga kalamidad.
Binigyang-diin ni Rodriguez ang kahalagahan ng paghahanda ng bawat pamilya at pagbibigay-prayoridad sa mga higit na nangangailangan ng tulong sa panahon ng kalamidad.
Iginiit din nito na hindi nangangahulugang tuluyan nang mawawala ang panganib ng pagbaha kahit pa ang Naga ay isa nang Highly Urbanized City.
Dahil dito, mahalaga ang patuloy na pagpapalakas ng kahandaan, pakikiisa ng publiko at agarang pagsunod sa mga utos ng paglikas upang maiwasan ang mga pinsala at pagkawala ng buhay.








