Tuluyan nang naaresto ng mga awtoridad sa Mexico ang kilalang drug lord na si Fausto Isidro “Chapo Isidro” Meza Flores, na kabilang sa Top 10 Most Wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI).

Pinangunahan ng Mexican special forces ang operasyon laban kay Meza Flores sa Guasave, Sinaloa.

Nahaharap ito sa kasong organized crime sa Mexico at itinuturong nasa likod ng pag-aangkat at pagpapakalat ng iba’t ibang ilegal na droga, kabilang ang fentanyl, cocaine at heroin.

Advertisement

Si Meza Flores ang lider ng Meza Flores Organization, na kilala rin bilang Guasave Cartel. Aktibo na ang grupo sa kalakalan ng ilegal na droga mula pa noong dekada 1990.

Matagal ding nakapagtago si Meza Flores mula sa mga awtoridad hanggang sa matunton ang kanyang kinaroroonan sa tulong ng US intelligence.

Nauwi pa sa palitan ng putok ang operasyon matapos umanong manlaban ang kanyang mga tauhan sa mga awtoridad. Gayunman, tuluyan din siyang naaresto kasama ang isa sa kanyang mga kasamahan.

Agad silang dinala sa Mexico City matapos ang operasyon.

Noong 2025, isinama si Meza Flores sa Most Wanted list ng FBI dahil sa mga kasong kinakaharap, kabilang ang kidnapping, extortion at torture.

Iniuugnay rin siya sa pagkakasamsam ng mga awtoridad noong 2024 ng tinatayang 20 milyong fentanyl pills na umano’y ipinupuslit ng kanyang grupo.

Una na rin siyang kinasuhan ng drug trafficking sa United States noong 2012 at 2019.

Ayon sa mga ulat, naging kasangkot ang 44-anyos na si Meza Flores sa operasyon ng paggawa at pamamahagi ng cocaine, heroin, methamphetamine at marijuana mula 2005 hanggang 2019.

Bago itatag ang sarili niyang organisasyon, naging miyembro muna siya ng Beltrán Leyva Organization. Kalaunan ay humiwalay siya sa grupo kasunod ng pagkakaroon ng alitan at pagkakahati-hati sa kanilang hanay.

Advertisement