NAGA CITY- Aasahan pa rin aniya ang mga maitatalang panaka-nakang pagyanig sa bahagi ng lungsod ng Naga at sa lalawigan ng Camarines Sur.
Kung maaalala, naitala ng PHIVOLCS ang 21 na mga pagyanig simula noong Oktubre 14 at 15 at ang nasabing mga pagyanig ay nagdulot ng bahagyang pagkasira ng mga gusali sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Paul Alanis, Mayon Volcano Observatory Residente Volcanologist, sinabi nito na mayroong branch o sanga ng Philippine Fault na dumadaan sa Canaman, Camarines Sur na siyang gumagalaw kung kaya nakararanas ng mga pagyanig o “Earthquake Swarm” ang lalawigan.
Aniya, aktibo kasi ang fault line na ito kaya patuloy ang mararanasang pagyanig.
Dagdag pa ni Alanis, wala naman nakikitang indikasyon sa ngayon na may epekto ang lindol sa Mt. Isarog at Mt. Asog at wala ring Tsunami Warning.
Dahil dito, isainailalim ngayon sa Heightened alert ang lokal na pamahalaan ng Naga at ang mga kaugnay na ahensiya nito sa disaster management.
Naka-standby na rin at handang magresponde sa oras ng pangangailangan ang City Disaster Risk Reduction and Managment Office, Naga City Police Office, Bureau of Fire Protection, at Public Safety Office Responders gayundin ang 27 Barangay na handa namang magbigay ng asistensiya sa publiko.
Humingi na rin ng tulong ang LGU sa Departent of Public Works and Highways District Engineer’s Office sa pag-assess naman ng mga gusali at iba pang pampublikong imprastraktura.
Samantala, tiniyak ni Naga City Mayor Nelson Legacion na nakaalerto at handa ang mga ahensiya ng pamahalaan na responsable sa pagmamahala ng sakuna.