Binuksan ni Chrisia Mae S. Tajarros ng Eastern Visayas ang medal tally ng Palarong Pambansa 2026 matapos magwagi sa 3,000-meter athletics event para sa secondary girls at maiuwi ang unang gintong medalya sa regular sports competition.

Muling pinatunayan ni Tajarros ang kanyang husay sa athletics matapos mapanatili ang dominasyon sa naturang event, kasunod ng kanyang pagiging unang gold medalist din noong Palarong Pambansa 2025 sa Ilocos Norte.

Nakuha naman ni Angel Lumacang ng Eastern Visayas ang silver medal habang si Charlen Cos ng Davao ang nag-uwi ng bronze medal sa nasabing kompetisyon.

Ang panalo ni Tajarros ay dagdag sa reputasyon ng Eastern Visayas bilang isa sa mga rehiyong patuloy na naghuhubog ng mahuhusay na atleta sa larangan ng athletics.

Advertisement

Ang Palarong Pambansa ay taunang multi-sport event para sa mga estudyanteng atleta mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Nagsimula ito noong 1948 bilang pambansang paligsahan para sa kabataan.

Sa kasalukuyan, kinikilala ito bilang pinakamalaking grassroots sports program ng pamahalaan na naglalayong matuklasan at malinang ang mga susunod na pambansang atleta ng Pilipinas.

Advertisement