Umabot na sa mahigit 100 ang nasawi at higit 390 ang pinaghihinalaang kaso ng Ebola sa Democratic Republic of Congo (DRC), habang naitala na rin ang pagkalat ng virus sa Uganda, ayon sa Africa Centres for Disease Control and Prevention.

Ayon sa ulat, mayroon nang dalawang kumpirmadong kaso ng Ebola sa Uganda at isang naitalang nasawi. Kabilang sa mga kumpirmadong nahawaan sa DRC ang isang Amerikanong doktor na kasalukuyang ililipat sa Germany para sa karagdagang gamutan.

Iniulat din na ilang Amerikanong mamamayan ang posibleng na-expose sa virus at kasalukuyang binibigyan ng tulong ng pamahalaan ng Estados Unidos.

Nauna nang idineklara ng World Health Organization (WHO) ang outbreak bilang public health emergency of international concern, bagama’t hindi pa ito itinuturing na pandemic. Nagbabala rin ang WHO sa mahigpit na pagpapatupad ng protocols, partikular sa safe burial practices, dahil sa mataas na panganib ng hawaan.

Advertisement

Nagpatupad na rin ng border screening ang ilang kalapit-bansa tulad ng Rwanda at Nigeria upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), mababa ang panganib ng outbreak sa Amerika ngunit patuloy ang monitoring sa mga biyaherong mula sa apektadong lugar, kasabay ng Level 4 travel advisory para sa DRC.

Sa kasalukuyan, wala pang aprubadong gamot o bakuna laban sa Bundibugyo strain ng Ebola, kaya patuloy ang panawagan ng Africa CDC at WHO sa mahigpit na surveillance at pagsunod sa mga health protocol upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Advertisement